Dinakip ang dalawang lolo dahil sa panggagahasa umano sa kani-kanilang mga menor de edad na apo sa Caloocan at Pasig.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing dinakip ng Special Operations Unit ng Northern Police District ang isang 60-anyos na lolo na wanted sa walong counts ng kasong panggagahasa at child abuse sa Caybiga sa Caloocan.
Biktima ng suspek ang 15-anyos niyang apo.
Hindi agad nakapagsumbong ang biktima nang mangyari ang krimen noong isang taon.
Mariing itinanggi ng suspek ang krimen, na sinabing galit lamang ang mga magulang ng biktima dahil nawalan sila ng tahanan nang ibenta niya ang kanilang bahay.
“Nopng pinaalis ko po at nakalipat na sila, doon na po nagreklamo. Hindi ko alam, baka gawa gawa nila,” saad ng suspek.
Giit pa niya, hindi niya magagawa ang krimen sa kaniyang kadugo.
“Apo ko po ‘yung [complainant]. Siya po ang humahalik sa akin. Hindi naman ako ang humahalik sa kaniya dahil siyempre apo ko ‘yun, igagalang ko,” anang lolo.
Samantala, dinakip ng Mobile Force Battalion Ng Eastern Police District sa Barangay Pineda sa Pasig ang 61-anyos naman na lolo dahil sa kasong statutory rape.
“Ang kaniyang naging biktima ay ang kaniyang mismong apo, [isang menor de edad,] anak ng kaniyang anak na lalaki. During the commission of the crime, ang bata is only 11 yrs old,” sabi ni Police Captain Jay Laila, hepe ng EPD- DMFB.
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek ngunit lumabas sa imbestigasyon ng mga pulis na dati na siyang nakulong dahil sa frustrated homicide. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News