Isang Australian vlogger ang na-scam diumano ng isang tricycle driver sa Maynila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes.

Hindi na inireklamo ng vlogger na si Dwaine Woolley ang driver, na napag-alamang walang lisensiya at prangkisa, kahit na siningil siya nito ng P550 para sa maikling biyahe mula sa Malate patungo sa isang mall.

Naaresto naman kalaunan ang tricycle driver na si Joselito Ortiz dahil sa isang traffic violation.

"Habang naka-red light, itong si Joselito Ortiz ay tumawid po," ani Police Corporal Niechi Maci Pascual ng Manila Police District.

"Pinara siya ng traffic enforcer then hinanapan siya ng lisensiya at rehistro nung ginagamit niyang tricycle," dagdag pa niya. 

Wala raw naipakitang lisensiya ang rehistro si Ortiz, dahilan para siya ay arestuhin.

Sinabi rin ni Pascual na tsaka pa lang nila nalaman na si Ortiz pala ang tricycle driver na nasa viral na video ni Woolley.

Sa kuwento ni Woolley, may kasama pang babae si Ortiz nang biktimahin siya nito.

Aminado naman si Ortiz na siya nga ang driver sa viral na vlog. Aniya, nangailangan lang siya ng pera dahil nasa ospital noong ang anak niya.
 
Inamin din ni Ortiz na P50 lang dapat ang pamasahe. Depensa niya, 'yung kasama niya ang naningil ng P550.

"Humihingi po ako ng dispensa po sa nagawa ko sa kaniya. Sana po ay mapatawad niya ako," sabi ni Ortiz, na aminado ring wala siyang lisensiya at colorum ang minamaneho niyang tricycle.

Hindi naman masasampahan ng kaso si Ortiz dahil sa umano'y pagi-scam niya dahil walang opisyal na complaint laban sa kaniya.

Ayon kay Woolley, pinag-iisipan pa niya kung itutuloy niya ang pagsasampa ng reklamo laban kay Ortiz.

"Medyo conflicted po ako du'n, kasi kahit na-scam ako, parang naawa ako sa kaniya," ani Woolley. —KBK, GMA Integrated News