Inihayag ng isang opisyal ng Qatar na 24 na bihag--kabilang ang isang Pilipino-- ang pinalaya ng militanteng grupong Hamas bilang bahagi ng kasunduan nito sa Israel para sa tigil-putukan sa Gaza Strip.
"Those released include 13 Israeli citizens, some of whom are dual citizens, in addition to 10 Thai citizens and a Filipino citizen," ayon sa post sa X (dating Twitter) ni Majed Al Ansari, foreign ministry spokesman ng Qatar, na may kaalaman sa negosasyon para sa tigil-putukan.
Kapalit ng pagpapalaya sa mga bihag ng Hamas, ang pagpapalaya naman ng Israel sa 39 na nakapiit na Palestinian na kinabibilangan ng mga babae at bata.
Those released include 13 Israeli citizens, some of whom have dual citizenship, in addition to 10 Thai citizens and a Filipino citizen.
— ?. ???? ???? ???????? Dr. Majed Al Ansari (@majedalansari) November 24, 2023
Ito ang unang pagkakataon na natigil ang putukan sa Gaza mula nang sumalakay ang Israel bilang sagot sa ginawang paglusob ng Hamas sa kanilang teritoryo noong Octorber 7, 2023.
Mahigit 1,000 katao ang nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas sa Israel. Kabilang sa mga dayuhan na nasabi ang apat na Pilipino na nagtatrabaho roon.
Mahigit 100 katao rin ang kanilang binihag.
Ayon naman sa Palestinian health official, mahigit 11,000 Palestino na umano ang nasawi mula nang bombahin at salakayin ng Israel ang Gaza.
Una rito, kinumpirma ng International Red Cross nitong Biyernes na sinimulan na nila ang operasyon para sa pagkuha at paglilipat ng mga bihag ng Hamas at pakakawalang mga Palestino ng Israel.
Sinabi ng isang tagapagsalita na 24 na bihag ang inilikas mula sa Gaza at ipinagkatiwala na sa Egyptian authorities sa Rafah border crossing.
Kasama umano nila ang walong staff member ng International Committee of the Red Cross (ICRC) sa apat na sasakyan na convoy.
"The deep pain that family members separated from their loved ones feel is indescribable. We are relieved that some will be reunited after long agony," ayon kay Fabrizio Carboni, ang regional director ng the ICRC sa Near and Middle East.
Batay sa kasunduan, tatagal ng apat na araw ang tigil-putukan na kapapalooban ng pagpapalaya sa kabuuang 50 bihag ng Hamas, kapalit ng pagpapalaya sa nasa 150 Palestino na nakapiit sa Israel.
Kasama rin sa kasunduan ang pagpapahintulot na pagpasok ang tulong para sa mga naiipit na sibilyan sa Gaza. -- FRJ, GMA Integrated News