Arestado ang dalawang suspek na edad 17 at 20 na inakusahan ng panggagahasa sa dalawang babae na kainuman nila na edad 18 at 17 sa Navotas. Ang isa sa mga suspek, iginiit na pumayag umano sa nangyari ang mga biktima.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagsumbong ng mga biktima sa pulisya dahil sa ginawang panghahalay sa kanila ng mga suspek nang makatulog sila matapos ang inuman na inabot ng hanggang alas-dos ng umaga.

“Nagising na lang siya nang mayroong humihipo sa kaniya, hanggang sa binaba na yung pati saplot niya and doon na nangyari yung panghahalay. After nung 20-years-old [na suspek], sumunod din yung minor [17-anyos na suspek],” ayon sa hepe ng Navotas Police na si Colonel Mario Cortes.

May kumuha pa umano ng video sa panghahalay ng 20-anyos na suspek sa 18-anyos na biktima, at pagkatapos ay hinalay umano ang menor de edad na biktima.

Nadakip ang dalawang suspek sa kanilang bahay at nakita rin ang dalawang supot ng marijuana.

Itinanggi ng suspek na nagtutulak sila ng ilegal na droga pero inamin nilang gumagamit sila ng marijuana.

Itinanggi rin ng 20-anyos na suspek ang alegasyon ng panghahalay.

“Nalasing po kami, siyempre po 'di na po namin alam,  tapos may nangyari po sa amin. Pero 'di ko po naman sila pinilit na gahasain po. Sila din pumayag po sila eh,” paliwanag nito.

Nasa kostudiya ng pulisya ang 20-anyos na suspek habang nasa Department of Social Welfare and Development naman ang menor de edad na suspek.

Mahaharap ang dalawa sa mga kasong rape, acts of lasciviousness at pag-iingat ng ilegal na droga.-- Jiselle Casucian/FRJ, GMA Integrated News