Inamin umano ng pulis na suspek na mayroon silang relasyon ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon. Iniutos naman ng pinuno ng Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang paghahanap sa biktima matapos na igiit na ng suspek ang karapatan niyang manahimik.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nakaharap kanina ng suspek na si Police Major Allan de Castro sina PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Romeo Caramat sa Camp Crame.
"Siya po ay iniharap natin kay Chief PNP kaninang umaga, and he admitted na meron silang illicit relationship with Miss Camilon," ayon kay Caramat.
Ito ang unang pagkakataon umano na inamin ni de Castro ang pakikipagrelasyon sa nawawalang guro at beauty pageant contestant na mula sa Tuy, Batangas.
Batay umano sa pakikipag-usap ng CIDG Region IV-A sa pamilya ni Camilon, lumitaw na dati nang inireklamo ng biktima si de Castro dahil sa pananakit.
Kinausap din umano ni Camilon noon ang asawa ni de Castro tungkol sa pagkakaroon nito ng karelasyon.
Sa may 30-minutong pag-uusap sa Camp Crame, sinabi ni Caramat na pinili ni de Castro na manahimik tungkol sa pagkawala ni Camilon.
"Noong siya ay tanungin natin kung meron ba siyang involvement sa pagkawala ni Miss Camilon sinabi lang niya kay chief PNP, he invoked his right to remain silent," ayon kay Camarat.
Humingi rin umano ng paumahin si de Castro kay Acorda dahil sa nadamay ang kapulisan.
"Nag-sorry siya kay chief PNP for dragging the PNP organization na nadadamay na organization which the chief PNP naman accepted his apology," sabi pa ni Caramat.
Ayon kay Caramat, iniutos ni Acorda sa kapulisan na paigtingin pa ang paghahanap kay Camilon na huling nakita sa isang mall sa Batangas noong Oktubre 12.
"May marching order ngayon ang ating Chief PNP to exert all our efforts to locate Miss Camilon whether alive or dead," sabi ni Caramat.
Mayroon umanong 17 hair strands at 12 swabs ng blood samples sa pulang sasakyan na inabandona sa Batangas City na hinihinalang pinaglipatan kay Camilon.
Iniulat kamakailan na may dalawang saksi ang nagsabi na may nakita silang babae na duguan na inilipat ng sasakyan na tugma ang paglalarawan sa inabandonang pulang SUV.
Sinampahan na ng reklamong kidnapping at serious illegal detention si De Castro at tatlong iba pa kaugnay sa pagkawala ni Camilon. —FRJ, GMA Integrated News