Matutupad na ng isang mister na maibigay sa kaniyang pamilya ang maayos na buhay at pinapangarap na bahay matapos na makubra na sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang tinamaang mahigit P147 milyon jackpot prize sa Super Lotto 6/49 draw noong October 15, 2023.
Sa inilabas na pahayag ng PCSO na makikita sa kanilang Facebook page, sinabi umano ng 46-anyos na mananaya na mula sa Cavite na, “Hindi ko alam na ako yung nanalo kaya inulit kung tinitingnan results ng draw sa Facebook.”
Ang lumabas na mga numero sa naturang draw ay 47-35-02-13-38-17, na may kabuuang premyo na P147,354,716.40.
Sa larawan na naka-post sa FB ng PCSO, lumalabas na dalawang kombinasyon lang ng mga numero ang tinayaan ng lotto winner na may katumbas na halaga na P40 na taya.
Batay umano sa kuwento ng lalaki, bago manalo ng jackpot, nauna na siyang tumama ng tatlong numero sa nakaraang draw. Ang tinamaang premyo, ipinantaya niyang muli gamit ang sistemang "lucky pick", o ang machine ang pipili ng numerong tatayaan niya.
At ang balak niya sa kaniyang napanalunan, “Ang unang priority ko nito ay ang pamilya ko at maipagawa ko ang bahay namin sa probinsya.”
Ayon sa PCSO, kinuha ng lucky winner ang kaniyang premyo sa tanggapan ng PCSO sa main office sa Mandaluyong City noong October 17, 2023.
Samantala sa draw nitong Biyernes, Nobyembre 10, 2023, hindi napanalunan ang mahigit P112 milyong jackpot sa Ultra Lotto 6/58, na ang lumabas na mga numero ay 45-55-40-04-08-44.
Wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Megalotto 6/45, na ang lumabas na mga numero ay 06-41-13-37-34-08, at may jackpot prize na P8,910,000.00. --FRJ, GMA Integrated News