Duguan at patay na nang matagpuan ang isang babae sa isang apartelle sa mismong araw ng kaniyang kaarawan sa Bagong Silang, North Caloocan.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita na nakadapa sa sahig ang biktima na ginilitan sa kuwarto ng apartelle.

Ayon sa empleyado ng apartelle, nag-check-in ang biktima kasama ang isang lalaki bago mag-3 p.m. nitong Miyerkoles.

Bandang 7 p.m., nagulat siya nang may marinig na humihingi ng saklolo.

“May sumisigaw ng tulong na babae, [lumabas na] ako para puntahan. Paglabas din ng lalaki, may patak-patak ng dugo ‘yung dinadaanan so hindi na ako tumuloy, bumalik na ako. Saka naman dumating ‘yung kasama ko, saka ko pinatawag ng barangay,” sabi ng receptionist ng apartelle.

Dito na tumugon ang barangay, na tumawag naman sa pulisya.

Sinabi ng Caloocan Police na 32-anyos ang babae na residente ng Pasig, at kaarawan niya nito ring Miyerkoles, base sa mga ID na nakuha sa kaniyang bag.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Sarah Jane Fajardo, na taga-Pinagbuhatan.

Naiwan sa crime scene ang siyam na pulgadang kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa pagpaslang sa kaniya.

Natuklasan din ang isang gun replica at dalawang basag na cellphone na itinago sa toilet tank. Isasailalim ang mga ito sa forensic examination.

Sa isang hiwalay na ulat ng 24 Oras, sinabing nasa police custody na ang lalaking suspek na sumuko nitong Huwebes.

Pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng murder laban sa kaniya.

Nakatakdang isailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima. Ayon sa mga empleyado ng punerarya, wala pa ring pumupunta o kumukontak sa kanila na kaanak ng biktima.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa pamilya ng biktima. —Jamil Santos/VAL/VBL, GMA Integrated News