Nasawi ang isang babaeng naglalakad sa gilid ng kalsada matapos masalpok ng isang kolong-kolong na mabilis ang takbo sa Navotas City.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, makikita sa video ng Navotas PNP ang paglalakad ng babae hanggang sa mabundol ng kolong-kolong sa NBBS Kaunlaran.

Dahil dito, tumagilid ang kolong-kolong at tumilapon ang driver.

Dinala sa ospital ang babae ngunit idineklara siyang dead on arrival.

Dinakip ang driver na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makunan ng pahayag ang suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News