Isiniwalat ng dating eight-division champion Manny Pacquiao na niluluto ang posibleng paghaharap muli nila ni Floyd Mayweather Jr. sa isang exhibition match.
Sa panayam ng Fight Hub TV, sinabi ni Pacquiao na mayroon siyang exhibition match na nakaplanong gawin sa Japan sa darating na Disyembre.
Nang tanungin kung sino ang kaniyang makakalaban, sinabi ng 44-anyos na Pinoy fighter na mayroon negosasyon sa kampo ni Mayweather.
Taong 2015 nang maglaban ang dalawa, at natalo via unanimous decision si Pacquiao. Gayunman, may nagsasabi na si Pacquiao ang dapat na nanalo dahil mas naging agresibo ito sa laban.
“I am still active and training. I have an exhibition match this December in Japan. We are working on it, the opponent. We are working with Mayweather,” ani Pacquiao sa panayam.
Noong 2022, nagbigay ng pahayag si Pacquiao na imposibleng mangyari ang muling sagupaan nila Mayweather.
Naglabas din ng pahayag si Mayweather na nagsabing hindi na mauulit ang laban nila ni Pacquiao na itinuturing niyang pinakamahusay niyang nakalaban.
BASAHIN: Posibleng rematch kay Pacquiao, tinabla ni Mayweather
Sa nasabi ring panayam, nabanggit ang pangalan American prizefighter na si Gervonta “Tank” Davis, na handang lumaban sa mas mabigat na dibisyon gaya nang ginawa noon ni Pacquaio.
Ayon sa Pinoy fighter, hindi madali ang sumabak sa mas mabigat na timbang.
Inihayag din niya na bukas siyang harapin si Davis.
“Davis is a good fighter. If he wants, if he comes up to 147 [pounds] we can fight. 145 maybe,” ani Pacquiao. —FRJ, GMA Integrated News