Dalawang araw umanong ikinulong at pinagsamantalahan ng tatlong lalaki ang dalawang menor de edad na babae sa Maynila. Ang mga biktima na edad 13 at 14, nakilala raw ang mga suspek sa social media.
Sa ulat ni Vonn Aquino sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing dalawa sa mga suspek ang naaresto na sina Alejandro Gerala at Michael Andrade.
Patuloy namang tinutugis ang isa pang suspek dahil sa ginawa umanong panghahalay at pagdetine sa mga biktima.
Base sa imbestigasyon, nakilala umano ng mga biktima ang mga suspek sa social media at pumayag na makipagkita.
Dinala ang mga biktima sa bahay ng isa sa mga suspek sa Baseco at inaya ng inuman hanggang sa hindi na sila pinauwi.
Nagkaroon umano ng pagkakataon ang mga biktima na makatakas at nakahingi ng tulong.
Itinanggi naman ng mga suspek ang paratang laban sa kanila. Pero positibo silang itinuro ng mga biktima.
“Nung nakita namin sila, nakita ko na nanginginig po sila sa takot. Isa po sa requirements is to magkaroon ng medicolegal… ma-examine po sila at based po sa outcome po ng examination, nakita nga po na na-abuso sila,” ayon kay Baseco Police Station Commander Police Lieutenant Colonel Emmanuel Gomez.
Tumanggi nang magkomento ang mga suspek at sinabing sa korte na lang sila magsasalita. Napag-alaman na dati nang nakulong ang mga suspek sa kasong pagnanakaw.
Hinikayat naman ni Gomez ang ikatlong suspek na sumuko na.--FRJ, GMA Integrated News