Sa kulungan ang bagsak ng lalaking inireklamong nambugbog ng isa pang lalaki at nanaksak pa ng rumespondeng pulis sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Aminado ang suspek na kinilalang si Brian Boldero sa krimen. Aniya, tila may sumanib daw sa kaniya kaya niya nagawa ito.
"Hindi ko po sinasadya... basta nagulat lang ako na biglang may sumasanib... Hindi ko alam iyon eh, nagulat lang ako," ani Boldero sa panayam.
Nasa maayos nang kalagayan ang pulis na sinaksak na kinilalang si Patrolman Jonathan Orlanes, habang nagtamo naman ng sugat sa mukha at bibig ang lalaking binugbog umano ni Boldero.
Naganap ang insidente sa Barangay UP Campus nitong Martes nang puntahan ng mga pulis ang isang grupo ng mga lalaki kasama si Boldero matapos makatanggap ng report tungkol sa pambubugbog.
Nabawi kay Boldero ang ginamit niyang patalim. Mahaharap siya sa mga reklamong frustrated homicide, direct assault, serious physical injury at illegal possession of deadly weapon in relation to the Omnibus Election Code.
Napag-alamang nakulong na nitong nakaraang taon ang suspek dahil sa pambubugbog sa kaniyang asawa. —KBK, GMA Integrated News