Ilang insidente ng pamamaril ang nangyari sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa harap ng isinagawang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE 2023) na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo katao, at ikinasugat ng walong iba pa.
Sa panayam ng Dobol B TV nitong Lunes, sinabi ni BARMM chief Police Brigadier General Allan Cruz Nobleza, apat na insidente ng pamamaril, isang insidente ng pananakit at may isang insidente ng kaguluhan ang nangyari sa araw ng botohan.
Sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, dalawa ang nasawi at tatlo ang nasugatan. Apat na suspek ang natukoy at pinaghahanap.
Sa Maguindanao del Sur, sinabi ni Nobleza na isang insidente rin ng pamamaril ang naganap na ikinasawi ng isa tao na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Sa Butig, Lanao del Sur, isang reelectionist barangay chairwoman ang binaril umano ng kaniyang kalaban sa halalan na kaniya mismong bayaw.
Sa Tuburan, Basilan, anim ang sugatan, kabilang ang isang kandidato ng barangay chairman sa nangyaring kaguluhan. Natukoy na ang mga suspek.
Sa Cotabato City, nasa 12 guro ang umatras sa pagiging miyembro ng electoral board dahil sa takot sa nangyaring pamamaril sa lugar na ikinasawi ng tatlo katao kabilang ang dalawang kandidato.
Sa kabila ng mga nangyaring kaguluhan at aberya, itinuturing ng Commission on Elections na generally peaceful at tagumpay ang BSKE 2023.
“When you say generally peaceful, when you say incidents, we have to factor the number of voters involved. We have 92 million registered voters. Of this number, how many are affected?" saad ni Comelec chairman George Garcia sa news conference.
"We have 202,000 precincts. Even if there were disruptions in 2,000 precincts, we would still have 200,000 precincts where voting proceeded as expected. There was only a small percentage where disruption occurred. To us, it is a victory of sorts,” paliwanag niya.
Idinagdag ni Garcia na walang halalan na naging perpekto.
"What is important is perpetrators are punished. Hindi puwedeng paligtasin,” ani Garcia.— FRJ, GMA Integrated News
Alamin dito ang GMA News Online's live updates ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE 2023).