Isinara ang isang airport sa Russia matapos magkagulo nang sumugod doon ang isang pro-Palestine group para puntiryahin ang mga dumating na mga Israeli na galing sa Tel Aviv.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang kaguluhan sa airport ng Makhachkala, makaraang sumugod doon ang mahigit 100 pro-Palestine group na may bitbit na Palestinian flags, at sumisigaw ng "Allahu Akbar” o “God is Greatest”.
Nang makapasok, inisa-isa nila ang mga silid sa paliparan para maghanap ng Israeli.
Sa labas ng paliparan, may grupo naman na tinangkang itumba ang isang police patrol truck.
Ayon sa Interior Ministry ng Russia, nasa 150 ang sumugod sa paliparan, at 60 sa mga ito ang naaresto ng mga awtoridad. Siyam na pulis naman ang nasugtan.
Dahil sa nangyari, pansamantalang isinara ang paliparan, at inilipat sa ibang paliparan ang mga biyahe ng eroplano.
Hinimok naman ng Israel ang mga lider ng Russia na protektahan ang mga Israeli at mga Jew. May natanggap umano silang impormasyon na posibleng masundan pa ang ginawa ng pro-Palentine group.
“At present, the airport is fully under the control of law enforcement agencies,” ayon sa ministry.
Sinabi naman ni Sergei Melikov, pinuno ng Dagestan, na labag sa batas ang nangyaring insidente, bagaman "Dagestanis empathise with the suffering of victims of the actions of unrighteous people and politicians, and pray for peace in Palestine”.
“There is no courage in waiting as a mob for unarmed people who have not done anything forbidden,” sabi ni Melikov sa Telegram messaging app.— FRJ, GMA Integrated News