Timbog ang isang lalaki na naaksidente sa motorsiklo nang mahulihan siya ng replica ng baril at ng tunay na revolver sa Barangay San Jose, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Balita Ko nitong Lunes, makikita ang baril na nakasukbit sa baywang ng lalaki habang iniinspeksiyon ng mga pulis.
Tumugon ang kapulisan sa lugar nang makatanggap sila ng ulat tungkol sa dalawang nagkabanggaang motorsiklo.
Bago nito, nakita rin ng mga awtoridad ang isang gun replica sa tabi mismo ng naaksidenteng lalaki.
Nagtamo ng mga sugat sa tuhod at paa ang dinakip na 34-anyos na lalaki matapos ang aksidente.
“Hindi ko po kasi talaga matandaan kasi lasing na lasing po ako tapos ang alam ko lang po nu’n, naaksidente po ako eh,” sabi ng suspek, na itinangging siya ang may-ari ng baril.
Lumabas sa imbestigasyon na hindi lisensiyado ang baril, na isasailalim sa ballistics examination.
Epektibo ang election gun ban hanggang Nobyembre 29.
Mahaharap ang lalaki sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News