Kapuwa bumaba ang trust at performance ratings nina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa ikatlong bahagi 2023, batay sa pinakabagong Tugon ng Masa Survey ng Octa Research.
Tinawag ng Octa na "significant" ang nabawas sa overall ratings ni Duterte, matapos na walong puntos ang ibinaba ng kaniyang trust rating na mula sa 83% noong second quarter ay naging 75%.
Samantala, 12 puntos naman ang nabawas sa kaniyang satisfaction rating na mula sa 82% ay naging 70%.
Ang trust rating ni Marcos, dalawang puntos naman ang ibinaba sa 73% mula sa 75% noong second quarter. Anim puntos naman ang natapyas sa kaniyang approval rating na mula sa 71% ay dating 65%.
Nakuha ni Marcos ang pinakamababang niyang trust rating na 66% mula sa National Capital Region, habang sa Balanced Luzon naman nanggaling ang lowest trust score ni Duterte na 64%.
Pareho ring nabawasan ng 15 puntos sa trust ratings sina Marcos at Duterte sa NCR, na 66% mula sa dating 81% to 66%.
Umabot naman sa 12 puntos ang nalagas sa satisfaction rating ni Marcos sa Metro na 61%. Ang pinakamababa niyang satisfaction rating ay 59% na mula sa Mindanao, na bumaba ng siyam na puntos.
Habang 16 na puntos naman ang nawala sa satisfaction rating ni Duterte sa Visayas, na mula sa 90% ay naging 74%. Nanggaling naman sa Balanced Luzon ang pinakamababa niyang satisfaction rating na 62%, na dating 74%.
Sa kabila ng pagbaba, sinabi ng Octa na mayorya pa rin ng mga Pilipino ang nagtitiwala kina Marcos at Duterte.
Samantala, isang puntos naman ang itinaas ni Senate President Miguel Zubiri sa performance rating na 58%, habang anim na puntos ang iniangat ni House Speaker Martin Romualdez na makakuha ng 61%.— FRJ, GMA Integrated News