Kasabay ng paghahanap ng mga awtoridad sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon, ang pagtunton sa kotse na kaniyang gamit na lumilitaw na ibinigay lang sa kaniya. Pero ang nakasaad na address ng may-ari na nakalagay sa deed of sale ng sasakyan, lumalabas sa imbestigasyon na hindi totoo.
Sa press conference nitong Biyernes, sinabi ni Police Regional Office 4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, na kumikilos na ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (HPG) para mahanap ang may-ari ng sasakyan bago napunta kay Catherine.
“As of today, hinahanap pa natin iyong bumili ng sasakyan kasi nga iyong nakalagay doon sa deed of sale is fictitious iyong address na nakalagay,” anang opisyal.
“So iyong HPG, sila po iyong naghahanap ngayon noong tao na nakalagay sa deed of sale ng sasakyan ni Catherine,” dagdag ni Lucas.
Nauna nang inihayag ng pulisya na isang pulis na umano'y karelasyon ni Catherine ang "person of interest" sa pagkawala ng beauty queen na isa ring guro sa Tuy, Batangas.
BASAHIN: Pamilya ng nawawalang si Catherine Camilon, bibigyan ng police security
Ang naturang pulis ang umano'y nagbigay kay Catherine ng sasakyan na kaniyang gamit nang umalis siya ng bahay at nagpaalam na may kakatagpuin sa Batangas City noong Oktubre 12.
Sa CCTV footages sa mga lugar na dinaanan ng sasakyan ni Catherine, lumilitaw na may kasama siya sa sasakyan.
"Lahat ng mga nainterview natin ay nagsasabi na siya [pulis na POI] ang huling kasama nitong si Miss Catherine. Base na rin sa mga text messages at base na rin sa nakuha natin sa ACG, na palitan nila ng text messages dun sa isang kaibigan niya...kung kailan sila unang nagkita, saan sila nagkakilala, kasama po ito sa imbestigasyon na ginagawa," sabi ni Lucas sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog.
Inalis na sa puwesto ang pulisya at nasa holding unit ng Regional Office 4A habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Positibo naman ang mga awtoridad na buhay pa si Catherine.
May P250,000 pabuya na nakalaan sa taong makapagtuturo ng kinaroroonan niya. --FRJ, GMA Integrated News