Sumuko na ang pulis na namaril sa tapat ng isang bahay na ikinasawi ng kapatid ng kaniyang live-in partner sa Pasay City. Ang suspek, nagsisisi sa kaniyang nagawa.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na sumuko si Police Staff Sergeant Rowell Laquesta nitong Huwebes, at isinuko rin niya ang kaniyang service firearm.

Si Laquesta ang namaril sa Barangay 190 Don Carlos Village, na ikinamatay ng lalaking kapatid ng kaniyang live-in partner.

Pinaputukan niya rin ang kaniyang live-in partner ngunit hindi ito tinamaan.

Nasa Pasay Custodial Facility na ang suspek, na nahaharap sa mga reklamong kriminal at administratibo. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News