Isa na namang mass shooting ang nangyari sa Amerika. Nangyayari ito sa magkakahiwalay na lugar sa Lewiston, Maine na pinuntahan ng suspek na armado ng semi-automatic rifle.
Nasa 22 katao ang pinaniniwalaang nasawi at tinatayang aabot sa 60 iba pa ang sugatan, at nakatakas ang suspek, ayon sa Reuters base sa ulat ng NBC News
Natukoy naman ang pagkakakilanlan ng "person of interest" matapos i-post ng Lewiston Police Department sa Facebook ang larawan nito na si Robert Card, 40-anyos, na itinuturing "armed and dangerous."
Nauna nang nag-post ang awtoridad ng mga larawan ng suspek na armado ng semi-automatic rifle, at isang puting SUV, upang humingi ng tulong sa publiko para matukoy ang pagkakakilanlan nito at mahanap.
Naglabas din ang Androscoggin County Sheriff's Office ng larawan ng suspek na may balbas, brown hoodie jacket at jeans habang nakatutok ang baril.
"There is an active shooter in Lewiston," sabi ng Maine state police sa isang post sa social media platform X. "We ask people to shelter in place. Please stay inside your home with the doors locked. Law enforcement is currently investigating at multiple locations."
Ayon sa Sun Journal, batay sa pahayag ng Lewiston police spokesperson, nangyari ang pamamaril sa Sparetime Recreation bowling alley, Schemengees Bar & Grille Restaurant, at sa Walmart distribution center.
Tinatayang may layo na 6.5 kilometers (north) ang bowling alley mula sa bar, habang nasa 2.5 km naman (south) ang distribution center mula sa bar.
Ayon sa isang US official, alam na ni President Joe Biden ang nangyari at patuloy siyang binibigyan ng mga bagong impormasyon tungkol sa insidente.
Sinabi ng White House, na tinawagan ni Biden ang sina Maine Governor Janet Mills, Senators Angus King at Susan Collins, at Congressman Jared Golden kaugnay sa tulong na kakailanganin.
Kung makukumpirma na 22 ang nasawi sa insidente, makakasama ito sa listahan ng deadliest mass shooting sa US magmula noong August 2019.
Matatandaan na 23 ang nasawi nang pagbabaril ang isang gunman na armado ng AK-47 rifle ang mga namimili sa El Paso Walmart, ayon sa Gun Violence Archive.
Ang deadliest U.S. mass shooting na 58 katao ang nasawi ay nangyari sa Las Vegas country music festival noong 2017. — Reuters/FRJ, GMA Integrated News