Nadakip ang isang lalaki na wanted sa pagpatay sa isang barangay tanod sa Tondo, Maynila noong 2007, matapos ang 16 taon niyang pagtatago. Ayon sa suspek, nagawa niya ito sa galit dahil binu-bully umano siya ng biktima.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Michael Garcia na hinuli sa Bacoor, Cavite.
Ayon sa Santa Mesa Police, may matagal nang alitan ang suspek at ang biktima, kung saan may mga pagkakataong pinalo umano ng biktima sa ulo si Garcia.
Bukod dito, may mga pang-aasar din umano na natatanggap ang suspek mula sa biktima.
Hanggang sa magpang-abot ang dalawa sa isang lamay at doon nangyari ang insidente.
Inamin ng suspek na nakainom siya. Sa inis niya sa biktima, pinalo niya ito ng kahoy sa ulo, na agad nitong ikinamatay.
Magmula noon, sa iba’t ibang lugar nagtago ang suspek. Nakapagtrabaho pa siya sa ibang bansa isang taon bago lumabas ang warrant of arrest.
Umamin ang suspek sa krimen, ngunit hindi niya alam na may warrant of arrest siya.
“Siguro dahil sa bugso ng galit ko sir. Minsan po kasi nabu-bully niya ako, hindi ko naman intensyon na mangyayari ‘yon, intensyon ko lang na paluin siya pero hindi ko alam na ganu’n ang mangyayari na sa isang palo mapapatay ko siya. Kaya po lubos akong humihingi ng tawad sa mga kamag-anak niya,” sabi ni Garcia.
Nahaharap ang suspek sa kasong murder. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News