Nadakip sa Bulacan ang isang lalaki na wanted sa kasong pagpatay sa Quezon City matapos ang walong taon niyang pagtatago.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isang linggong minanmanan ng mga operatiba ng QCPD Station 9 ang suspek, bago nila ito natunton sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Isinilbi ang warrant of arrest laban sa 45-anyos na suspek.
Nagtago ang suspek sa iba’t ibang lugar matapos niyang mapatay ang isa pang lalaki sa Novaliches, Quezon City noong 2012.
Lumabas ang warrant of arrest makalipas ang tatlong taon.
Sinabi ng salarin na hindi niya alam na may warrant of arrest laban sa kaniya, ngunit umamin siyang nasaksak niya ang biktima.
“Pinagtanggol ko lang ang sarili ko. Sinuntok niya kasi ako. Pasensiya po sa nangyari kasi pinagtanggol ko lang ang sarili ko,” sabi ng suspek.
Nasa kustodiya siya ng Anonas Police Station sa Quezon City, at inihahanda na ang mga dokumento para sa return of warrant. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News