Nagkaharap nitong Miyerkules ang isang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at ang 2014 lotto winner na hindi nakuha ang premyo dahil nasunog ng plantsa ang kaniyang ticket. Makuha na kaya niya ang premyo batay sa utos ng Korte Suprema (SC)? Alamin.
Sa inilabas na pahayag ng PCSO, sinabing nakausap ni PCSO General Manager Melquiades Robles nitong Miyerkules sa kaniyang tanggapan ang lotto winner na si Antonio Mendoza, at tiniyak ng opisyal na susundin nito ang utos ng SC.
“I assured him that I will expedite the process of his claim. Kailangan lang may certificate of finality from SC. I will make sure that he enjoys the fruits of his winnings ASAP. I wanted to put a closure on this issue,” ayon kay Robles.
Matatandaan na tumama ang tinayaang kombinasyon ng mga numero ni Mendoza sa Lotto 6/42 draw noong Oktubre 2014.
Pero dahil nasunog sa plantsa ang ticket at nabura ang ilang numero, hindi ibinigay ng PCSO ang premyo. Nagsampa ng reklamo si Mendoza sa korte at nanalo, hanggang sa umabot sa SC.
Base sa 17-pahinang desisyon ng SC, inatasan ang PCSO na ibinigay ang halagang napanalunan ni Mendoza.
Ayon sa pahayag ng PCSO, nakasaad din sa utos ng SC ang pagbabayad nito ng legal interest na six percent per annum mula sa petsa ng paglabas ng pinal na desisyon ng korte.
BASAHIN: Lotto jackpot winner pero nasunog ang tiket, makuha na kaya ang P12-M na premyo?
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinagtaka ni Mendoza kung bakit natatagalan ang pagsunod ng PCSO sa utos ng SC matapos niyang malaman na noong Marso pa lumabas ang desisyon ng mga mahistrado.
Sa naturang episode, nilinaw ni Robles na wala pang natatanggap na pormal na desisyon ng SC nang sandaling iyon.
Kasabay nito, tiniyak din niya na ibibigay ng PCSO ang premyo ni Mendoza kapag nakompleto na ang mga kailangang papeles bilang pagsunod sa alituntunin ng ahensiya.
"Ilang kembot na lang ho ito, malapit na ho ito,"pagtiyak niya. --FRJ, GMA Integrated News