Aabot umano sa P20 milyon ang halaga ng mga alahas at mga bag ang laman ng isang maleta na naiwan ng may-ari sa airport. Ang lalaking tumangay sa maleta, pinaghahanap ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita sa CCTV camera ng Ninoy Aquino National Airport Terminal 3 ang pagdating ang negosyanteng si Maricor Flores noong Oktubre 1 ng gabi, habang hatak ang kaniyang maleta.
May kasama rin noon si Flores na may dala-dala ring mga maleta.
Ayon kay Flores, inakala niya na naikarga na ng drayber sa sasakyan ang kaniyang maleta. Pero makikita sa CCTV footage na ang kasama niya ang tinulungan ng driver sa pagkuha ng gamit at naiwan sa bangketa ang kaniyang maleta.
Nalaman lang ni Flores na nawawala ang maleta nang makarating na sila sa bahay.
Sa kuha pa rin ng CCTV, makikita na may isang lalaki ang umupo sa tabi ng maleta at kinalaunan ay tinangay niya ito.
Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang kaniyang pagkakakilanlan. May nakalaan na P500,000 na pabuya sa makapagtuturo kung nasaan ang lalaking tumangay ng maleta.
“Wala pong sindikato, wala pong ganun. Isolated case eh. Alam niyo naman ang magnanakaw. Ang hanap niyan, opportunity lang,” sabi ni Airport Intelligence and Investigation Division manager na si Levy Rubano Jose.
Dagdag na bilin naman ni Jose sa mga pasahero na manatiling alisto sa mga kagamitan pagpunta sa paliparan.
“Pag naiwan po yan, may oportunidad ang tao. Púwede makuha, may intensyon man sila o wala,” dagdag niya. --Jiselle Casucian/FRJ, GMA Integrated News