Sumiklab ang sunog sa isang dating motel sa Santolan, Pasig City madaling araw nitong Miyerkules. Tinitingnang anggulo ng mga awtoridad ang arson matapos madakip ang isa sa mga suspek.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, sinabing bago maganap ang sunog pasado 3 a.m., may apat na lalaki ang nakitang umalis sa dating motel sa Marcos Highway.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma, na nirespondehan ng apat na fire truck.
Naapula ang apoy pagkalipas ng mahigit isang oras.
Natupok ng apoy ang kisame at dalawang kuwarto sa unang palapag ng dating motel.
Patuloy na inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog.
Samantala, nadakip ng mga barangay tanod ang isa sa apat na lalaking nakitang umalis sa lugar.
Narekober mula sa suspek ang isang TV, ilang kable at unan, na nakumpirmang nanggaling sa dating motel.
Ayon sa mga taga-barangay, apat hanggang limang reklamo ang kanilang natanggap sa loob ng isang buwan hinggil sa insidente ng pagnanakaw sa dating motel.
Sinabi naman ng caretaker ng motel na taong 2020 pa hindi operational ang establisyimento.
Sinabi pa ng caretaker na nawala na ang linya ng kuryente, at nakuha rin ang mga wiring.
Itinanggi ng naarestong suspek na sangkot siya sa sunog, na sinabing naglalakad lamang siya pauwi nang salubungin ng mga barangay tanod.
Ihahabilin ng barangay ang suspek sa Pasig Police para sa pagproseso.
Nagpapatuloy naman ang manhunt operations para mahanap ang tatlo pang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News