Nag-alok ng P500,000 na pabuya ang may-ari ng naiwang maleta sa NAIA Terminal 3 sa kung sinumang makapagtuturo sa suspek na dumampot ng kaniyang bagahe, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Pagkatapos lumapag mula sa isang flight galing Cagayan de Oro, naiwan ng cosmetic manufacturer na si Maricor Flores ang maleta nang sumakay siya sa sasakyan bandang 8 p.m. noong October 1

Kita sa isang CCTV footage na hinihila pa ni Flores ang maleta palabas ng paliparan. Nang dumating ang kaniyang sasakyan, binitawan niya ito at dali-daling sumakay.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Flores na akala niya kinuha na ng kaniyang driver ang maleta na naglalaman ng mga alahas at mamahaling bags. Pero hindi ito kasama sa mga binitbit ng driver.

Ayon kay Flores, nagmamadali siyang sumakay para puntahan ang ama na nasa ospital.

Ilang saglit pa, may lalaking tumabi sa bagahe ni Flores, linagay ito sa isang trolley, at umupo sa gilid. Maya-maya, umalis ang lalaki tulak ang trolley kasama ang maleta ni Flores.

Hinahanap na ng airport police ang lalaking dumampot ng maleta. — Joviland Rita/RSJ, GMA Integrated News