Kasabay ng paghahanap ng mga awtoridad kay Catherine Camilon, inaalam din ang kinaroroonan ng kaniyang sasakyan na gamit ng beauty queen nang huli siyang makita. Batay sa CCTV footage, tila hindi siya nag-iisa sa sasakyan.
Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, sinabing nagsagawa ng command conference nitong Lunes sa Laguna ang Police Regional Office-CALABARZON, para talakayin ang paghahanap kay Catherine, na isa ring guro sa Tuy, Batangas.
Ayon sa mga awtoridad, may person-of-interest na sila pagkawala ng beauty queen pero tumanggi na muna silang magbigay ng detalye habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Sa naturang pagpulong, ipinakita ang ilang CCTV footage na nakuhanan ang pagdaaan ng sasakyan ni Catherine sa ilang bayan sa Batangas noong Oktubre 12.
Matapos na mamataan si Catherine na naglalakad sa loob ng isang mall sa Lemery dakong 7: 24 pm, nakita ang kaniyang sasakyan na dumaan sa Poblacion Uno sa Sta Teresita dakong 8:07 pm.
Tatlong minuto pagkaraan nito (8:10 pm), nahagip naman ng CCTV camera ang pagdaan ng sasakyan sa Barangay Muzon sa bayan ng San Luis. Sa pagitan ng 8:24 pm hanggang 9:25 pm, makikita ang pagdaan ng sasakyan sa ilang barangay sa Bauan.
Sa kuha sa CCTV camera, tila may kasama umano sa sasakyan si Catherine.
Matatandaan na una nang sinabi ng ina ni Catherine na nagpadala ito ng mensahe na nasa isang gas station siya ng Bauan.
Dakong 9:53 p.m., lumabas ang sasakyan ni Catherine sa Barangay San Agustin sa Bauan. At pagsapit ng 10:00 pm, namataan na lumabas ito ng barangay road ng Barangay Sta Maria.
Ayon sa ulat, nakikipagtulungan ang PRO-CALABARZON sa Criminal Investigation and Detection Group at Highway Patrol Group para matunton din ang sasakyan ni Catherine.
Mayroong P200,000 na pabuya sa sinumang makapagtuturo ng kinaroroonan ni Catherine.
Sinusubukan na makuhanan muli ng pahayag ang mga kaanak ni Catherine, ayon pa sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News