Isang kombinasyon lang ng mga numero na halagang P20 ang taya ang naghatid sa isang mananaya na mula sa lalawigan ng Rizal para manalo ng mahigit P77 milyon matapos tumama sa UltraLotto 6/58 draw.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing kinuha na ng mapalad na winner ang kaniyang premyo sa tanggapan nito sa Mandaluyong.
Nanalo ang mananaya ng P77 milyon matapos niyang mahulaan ang lumabas na mga kombinasyon sa UltraLotto 6/58 draw noong Sept. 19, 2023, na 07-10-09-13-21-19.
Mga birth date at edad umano nila ng kaniyang asawa at mga anak ang tinayaan niyang mga numero.
BASAHIN: 30-anyos na taga-Palawan, naging 'millennial-naryo' matapos tumama ng P36-M sa lotto
May 20 taon na umanong tumataya ang lalaki at ipinagdadasal niya na manalo.
“Noong binisita ko ang FB Page ng PCSO, nakita ko na may jackpot winner at nagulat ako na iyong numero ng asawa’t anak ko ang lumabas," ayon sa winner batay sa naturang pahayag ng PCSO.
"'Di ako makapaniwala. Hanggang ngayon di ako mapakali. Yung matagal ko nang hinihintay, ganito pala ang pakiramdam kapag nakamit mo na,” patuloy niya.
Ilalaan umano ng lalaki ang kaniyang napalunan para sa pag-aaral ng kaniyang mga anak at magtatayo ng negosyo.
“Madaling maubos ang pera kung hindi ito gagamitin ng tama. ‘Yung pag-aaral ng mga anak ko yung magiging priority ko. Yun ang siguradong maipapamana ko sa kanila,” dagdag ng lotto winner. --FRJ, GMA Integrated News