Pinabulaanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lumalabas na impormasyon sa social media na magiging 7 a.m. - 7 p.m na ang number coding scheme o car ban sa Metro Manila.
Batay sa lumabas na impormasyon sa social media, nakasaad na inaprubahan umano ng Metro Manila Council ang 7 a.m. - 7 p.m car ban sa ilang lugar sa NCR dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan ngayong holiday season.
Pero ayon sa MMDA, nananatili ang number coding scheme ng 7 a.m. hanggang 10 a.m. at 5 p.m. hanggang 8 p.m.
"Same pa din po ang MMDA number coding from 7 AM to 10 AM and 5 PM to 8 PM, Mondays to Fridays, except weekends and holidays," paglilinaw ng MMDA sa X (dating Twitter.)
Dahil dito, mananatili ang window hours o puwedeng bumiyahe ang mga sasakyan na "coding" ng mula 10:01 a.m. hanggang 4:59 p.m.
Gayunman, tanging ang Makati City ang nagpapatupad ng 7 a.m. -7 p.m., na number coding scheme o walang window hours.
"Wala pa po tayong advise. Dating coding po muna ang ating susundin. Salamat po," saad ng MMDA.
Samantala, inihayag ng MMDA na suspendido ang number coding scheme sa mga special non-working holidays na:
- October 30, 2023: Barangay and Sangguniang Kabataan Elections
- November 1, 2023: All Saints Day
- November 2, 2023: All Souls Day
—FRJ, GMA Integrated News