Inihayag ng Police Regional Office (PRO) 4A nitong Lunes na may person of interest na sila kaugnay sa kaso ng nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon.
“As per [Regional Director Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas], yes po,” tugon ni PRO 4A Public Information Office chief Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran nang tanungin ng GMA News Online kung may person of interest (POI) na sa kaso.
“Tuloy-tuloy pa din po ang pangangalap ng mga impormasyon para mas matukoy po yung pagkakakilanlan ng POI,” dagdag ni Gaoiran.
Matatandaan na Oktubre 12 nang huling nakita sa isang mall sa Lemery, Batangas si Catherine na kandidata sa Miss Grand Philippines 2023.
Ayon sa kaniyang ina, nagpaalam ang anak na magtutungo sa Batangas City dahil may katatagpuin.
Isang guro at mula sa bayan ng Tuy, Batangas si Catherine.
Sa post sa Facebook page ng Batangas Public Information Office kamakaian, sinabing binisita ni Batangas Vice Governor Mark Leviste sa tahanan ng pamilya Camilon.
Nangako umano ang bise gobernaor na magbibigay ng P100,000, pabuya sa makapagtuturo ng kinaroroonan ni Catherine.
Nauna nang iniutos ni Batangas Police Provincial Office Director Police Colonel Samson Belmonte sa buong kapulisan ng lalawigan ang paghahanap at pagkalap ng impormasyon para mahanap si Catherine.
Maaring makipag-ugnayan sa Tuy Municipal Police Station sa Station Hotline 0998-598-5711 ang nais magbigay ng impormasyon tungkol kinaroronan ni Catherine.— FRJ, GMA Integrated News