Isang 30-anyos na lalaki at nagsisimula pa lang bumuo ng pamilya ang masuwerteng nanalo ng P36.2 milyong jackpot prize sa lotto 6/42.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing kinubra na sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong ng masuwerteng mananaya na taga-Puerto Princesa ang kaniyang napanalunan mula sa naturang draw na ginawa noong Sept. 07, 2023.

Ang lumabas na mga numero sa naturang draw ay 03-31-15-19-10-27, at may kabuuang premyo na P36,257,127.40.

Inihayag umano ng lotto winner na magandang biyaya para sa kanila ng kaniyang asawa ang kaniyang napanalunan.

“Napakagandang biyaya nito para sa amin ng asawa ko. Sa katunayan po ay nagsisimula palang kaming bumuo ng sarili naming pamilya," saad ng lotto winner sa pahayag ng PCSO.

Halos isang dekada na umanong tumataya sa lotto ang lalaki na planong gamitin ang napanalunan sa pagnenegosyo at mamumuhunan sa real estate.

Samantala, may draw naman ngayon gabi, Lunes, Oct. 23, para sa Grand Lotto 6/55 na may premyong P45 milyon, at Megalotto 6/45 na P26 milyon ang nakalaang premyo.-- FRJ, GMA Integrated News