Matapos ang mahigit-kumulang na walong oras ay naialis na rin ang 22-wheeler truck na unang naiulat na tumagilid sa Batasan Tunnel sa Quezon City nitong Sabado ng umaga.
Patuloy naman ang paghakot ng buhangin sa kalsada na natapon nang tumagilid ang truck, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.
LOOK: Tuloy-tuloy ang paghahakot sa tumapon na buhangin mula sa tumagilid na dump truck sa Commonwealth-Batasan Tunnel sa Quezon City. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/324Pncqv5K
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 14, 2023
Nitong bandang alas-tres ng umaga tumagilid ang nasabing truck habang binabaybay ang Batasan Tunnel.
Ayon sa driver, galing sila ng San Mateo, Rizal at patungo sanang Cavite upang i-deliver ang buhangin.
Hindi raw niya naikabig agad ang manibela ng truck nang dumaan sila sa pakurbang bahagi ng tunnel. Nawalan siya ng kontrol sa manibela at tumagilid na ang truck.
Pansamantalang isinara sa mga motorista ang Batasan Tunnel, na siyang nagresulta sa napakabigat na trapiko papuntang Commonwealth Avenue.
Pinakanan ang mga motorista sa Commonwealth Avenue galing IBP Road at pina-U-turn para makapunta sa direksiyon ng Quezon Memorial Circle. —KG, GMA Integrated News