Tumagilid ang isang 22-wheeler truck habang binabaybay ang Batasan Tunnel patungong Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.
Nagdulot ng pagbibigat sa daloy ng trapiko ang nasabing aksidente, ayon sa tweet ni James Agustin ng GMA Integrated News.
Nangyari ang aksidente bandang alas-tres ng umaga, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Dobol B TV.
Isinara muna pansamantala sa mga motorista ang westbound lane ng tunnel patungong Quezon Memorial Circle para mahila ang truck patayo at maialis na, at para malinis na rin nang tuluyan ang daan na may langis at buhangin galing sa truck.
Pinayuhan ang mga motorista na kumanan na lang sa Commonwealth Avenue at mag-U-turn para makapunta sa direksyon ng Quezon Memorial Circle.
Ayon sa driver ng truck, galing silang San Mateo, Rizal at patungo sanang Cavite upang i-deliver ang kargang buhangin nang sila ay maaksidente.
Hindi raw niya agad nakabig ang manibela sa pakurbang bahagi ng tunnel, at nawalan na siya ng kontrol kaya't tumagilid ang truck.
Saad ng driver, hindi raw siya nakatulog, at hindi naman ganoon kabilis ang kanyang takbo.
Tumagas ang langis at tumilapon ang kargang buhangin nang tumagilid ang truck.
Nagsagawa ng flushing ang Bureau of Fire Protection para maialis ang mga ito.
Nagtamo naman ng minor injuries ang driver at pahinante ng truck na kapatid ng driver.
LOOK: Dump truck na may kargang buhangin, tumagilid sa Commonwealth-Batasan Tunnel sa Quezon City. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/AilQvZUycg
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 13, 2023
Samantala, sugatan ang isang motorcycle rider matapos siyang mabangga ng isang kotse malapit sa pinangyarihan na naunang aksidente.
JUST IN: Motorcycle rider, sugatan matapos mabangga ng isang kotse malapit sa tumagilid na truck sa Commonwealth-Batasan Tunnel sa Quezon City. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/W1bMecshVt
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 13, 2023
Nitong tanghali ay naialis na rin ang truck na tumagilid.
LOOK: Tuloy-tuloy ang paghahakot sa tumapon na buhangin mula sa tumagilid na dump truck sa Commonwealth-Batasan Tunnel sa Quezon City. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/324Pncqv5K
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 14, 2023
Patuloy naman ang paghakot ng mga naiwan pang buhangin sa daan. —KG, GMA Integrated News