Inaresto ang isang Malaysian national matapos siyang magwala, makipagtalo at murahin pa umano ang mga pulis nang sitahin siya dahil sa paninigarilyo sa isang no smoking area sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa isang video ang pagpupumiglas ng Malaysian na kinilalang si Chong Kar Meng habang dinadakip sa isang bar pasado hatinggabi.

Bago nito, sinuhulan ng banyaga ang mga pulis sa halagang P2,000 para iwan siya at hindi na hulihin.

Ayon sa pulisya, nagsimulang magmura ang Malaysian nang hindi nila kunin ang inaalok nitong suhol.

Dinakip ang suspek dahil sa disobedience to persons in authority, resisting arrest, alarm and scandal, unjust vexation at oral defamation.

Samantala, dinakip ang isa pang Malaysian national matapos alukin din ang mga pulis ng P30,000 kapalit ng pagpapalaya sa kaniyang kaibigan.

Kinilala ang suspek na si Jack Boo.

Nag-iimbestiga ang pulisya kung nagtatrabaho sila sa POGO o iba pang aktibidad.

“They said I’m bullying the Filipinos, I bullied the police. I [don’t] agree,” sabi ni Chong Kar Meng.

“I don’t know,” komento naman ni Jack Boo nang tanungin kung bakit sinuhulan niya umano ang pulisya.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News