Inaresto ang isang 15-anyos na binatilyo dahil sa ginawa niyang pagpapaputok ng baril matapos makaaway ang kaniyang kainuman sa Quezon City. Ang senior citizen na nagpahiram ng baril sa menor de edad, dinakip din.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita na ikinagulat ng mga residente sa Barangay Nagkaisang Nayon ang bigla na lamang pagpapaputok pataas ng baril ng binatilyo paglabas niya sa kalsada.

Agad tumugon ang kapulisan sa QCPD Station 4 at dinakip ang binatilyo, habang nabawi sa kaniya ang ginamit na baril.

Sinabi ng pulisya na nag-ugat ang lahat matapos makaaway umano ng binatilyo ang kaniyang kainuman tungkol sa motor.

Humantong ito kalaunan sa suntukan at sakitan kung saan nagulpi ang suspek.

Nakakuha ng baril ang salarin matapos siyang bigyan ng isang 69-anyo na senior citizen.

Natunton ang may-ari ng baril sa follow-up operation ng pulisya, na umaming siya ang nag-abot ng baril sa menor de edad.

“Sa awa ko kasi sa bata dahil baka kako ako saksakin, kasi may mga panaksak ‘yung mga bata, para lang kako ma-disperse, naisip ko ‘Mag-warning shot ka lang,” anang senior citizen.

Mahaharap ang mga suspek sa mga reklamong attempted homicide at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code.

Nai-turnover na ng pulisya ang menor de edad sa Social Services Development Department.