Isang 18-anyos na lalaki ang natagpuang patay at may tama ng bala ng baril sa ulo sa Navotas City. Inaalam ng mga awtoridad kung ang lalaki ang hinahanap na suspek ng mga pulis nang mapatay si Jemboy Baltazar noong Agosto.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na John Rey Basie alias Reyrey, nakita ang bangkay sa C3 Road.

Ayon sa pulisya, may tama ng bala sa likod ng ulo si Basie na tumagos sa kaniyang panga.

Inaalam ng mga awtoridad ang tunay na pagkakakilanlan ni Basie dahil kapareho nito ng alyas ang lalaking suspek sa pamamaril na tinugis ng mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ni Baltazar noong Agosto 2 matapos na mapagkamalan.

"Pinag-aaralan namin. Baka doon binaril o doon din inabutan, at the same time yung teorya rin na doon ibinaba,” ayon kay Police Colonel Mario Cortes, hepe ng Navotas Police Station.

Patuloy din ang imbestigasyon para malaman ang motibo sa krimen. —FRJ, GMA Integrated News