Inihayag ng oil industry sources na may aasahan na malaking bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Batay sa takbo ng kalakalan mula sa Mean of Platts Singapore (MOPS) sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, na maaaring maglaro sa P2.60 hanggang P3.00 bawat litro ang mabawas sa presyo ng gasolina.

Habang sa diesel, sinabi ng opisyal na nasa P1.40 hanggang P1.70 per liter ang matapyas. Asahan din umano na mababawasan ang presyo ng kerosene ng P2.00 hanggang P2.20 per liter.

Halos hindi naman nalalayo rito ang presyo ng rollback sa mga produktong petrolyo na inaasahan ng iba pang industry sources.

Ayon kay Romero, ang pangamba sa mataas na interest rates ang isa sa mga dahilan ng inaasahang rollback sa mga produktong petrolyo na posibleng magdulot ng mababang "demand.”

“Stronger dollar weakens the finances of other nations and the demand too,” saad ng opisyal.

Matatandaan na nitong nakaraang Martes, nasa P2/L ang nabawas sa presyo ng gasolina, habang P0.50/L naman sa kerosene.

Gayunman, bahagyang umangat ng P0.40 per liter ang presyo ng diesel.

Sa ngayon, naglalaro sa P60.85 hanggang P81.55 per liter ang presyo ng gasolina sa Metro Manila. Nasa P62.50 hanggang P74.15 per liter naman ang diesel, at P79.75 hanggang P92.09 per liter ang kerosene. --FRJ, GMA Integrated News