Nabisto ng mga awtoridad ang nasa P2.2 bilyong halaga ng shabu na nakalagay sa inabandonang cargo container van sa Manila International Container Port na nanggaling sa Mexico.
Sa ulat ni Isa Umali sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police, Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency at iba pa, matapos na makatanggap ng impormasyon tungkol sa ilegal na drogang nakalagay sa inabandonang container van.
TINGNAN: Mga ilegal na droga na nasabat, na nanggaling sa Mexico. @dzbb pic.twitter.com/iCxHwPmgZV
— Isa Avendaño-Umali (@Isa_Umali) October 6, 2023
Galing umano ang ilegal na droga sa Mexico, at noong Pebrero 2023 pa dumating sa Manila port idineklarang abandona.
Sinabi ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr, na nasa 1,109 paketa ng ilegal na droga na nakalagay sa beef jerky packaging, carbon paper, at aluminum paper, aabot sa P2.2 bilyon ang halaga.
Mga iligal na droga na mula sa bansang Mexico, iprinisinta sa mga mamamahayag. | via @Isa_Umali pic.twitter.com/96xS1Mh6hh
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 6, 2023
Nakumpirma sa laboratory forensic examination ng PDEA na shabu ang mga kontrabando.
Inaalam ngayon ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang mga ilegal droga sa nasabat na P3.6 bilyong shabu sa Pampanga noong Setyembre. — FRJ, GMA Integrated News