Hindi umano si Vice President Sara Duterte ang dahilan kaya pinahinto ang mga sasakyan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Huwebes ng umaga, ayon sa Office of the Vice President (OVP).

Naglabas ng pahayag ang OVP makaraang mag-viral ang video sa social media sa nangyaring pagpapatigil sa daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue dahil tatawid umano si "VP," ayon sa isang pulis.

“May dadaan po tayong VIP. Si VP. Ko-cross lang po saglit,” sabi ng pulis na makikita sa video naka-post sa X (Twitter) na ibinahagi ni dating Bayan Muna Representative Teddy Casino.

Ayon kay Casino, ang video ay ipinadala ng isang ex-military man.

Sinabi ng OVP na nasa Mindanao si Duterte para sa World Teacher’s Day celebration at iba pang aktibidad.

 

 

“The Vice President did not ask QCPD and will never ask government agencies, including law enforcement bodies, to carry out actions that would inconvenience the public or cause them harm,” ayon sa OVP.

“The viral video is spreading injurious information that is purely grounded in falsity,” dagdag nito.

Nanawagan naman si Duterte sa Quezon City Police District na imbestigahan ang nangyari at papanagutin ang responsable, “including the liability of the person who took the video and maliciously appended the traffic stop to the Vice President.”

Ayon pa sa pangalawang pangulo, dapat ituwid ng QCPD ang nangyaring pagkakamali at ilantad sa publiko kung sino ang "VIP" na naging dahilan para patigilin ang mga sasakyan.

Sa isang pahayag na naka-post sa social media, humingi naman ng paumanhin ang QCPD Public Information Office sa nangyari.

"The said incident stemmed from a confusion and lapse in judgement of our policeman manning the traffic during that time. It appears that our policeman overreacted when he stopped the traffic for a few minutes, because of misleading information he overheard," ayon sa QCPD.

Inihayag umano ng pulis na nakunan sa video na nagkamali siya sa kaniyang pagkakarinig sa VP kaya pinatigil ang mga sasakyan "as a sign of courtesy and security."

Wala rin umanong aktibidad sa lugar si VP Duterte.

“Pero kung papanoorin po natin ang video , yung uploader ang nagbanggit ng pangalan na VP Sara," ayon kay Police Lieutenant Colonel May Genio, station commander ng Police Stations 14.

"I have ordered the relief of my policeman and put him under investigation to determine administrative liability for his actions. We assure the public that this incident will not happen again," ayon pa kay Genio.

Wala namang binanggit sa pahayag ng QCPD kung sino o mayroon nga bang VIP na dumaan para patigilin ang mga sasakyan.—FRJ, GMA Integrated News