Bigo si Eumir Marcial na makuha ang gintong medalya sa boxing sa men's 80kg division sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China, matapos matalo sa katunggali niyang Chinese.
Tinalo si Marcial ni Tanglatihan Tuohetaerbieke via unanimous decision sa kanilang salpukan sa men's 80kg division. Kahit nabigo, nag-ambag ang Pinoy boxer ng silver medal para sa Pilipinas.
Sa ngayon, may nahakot nang 14 na medalya ang mga manlalarong Pinoy na kinabibilangan ng dalawang ginto, dalawang silver, at 10 bronze.
Bago matalo kay Tuohetaerbieke, pinatumba muna ni Marcial ang kalabang Syrian na si Ahmad Ghousoon sa semifinals, at tinalo sa quarterfinals si Weerapon Jongjoho ng Thailand.
Sa 2018 Asian Games, nag-uwi si Marcial ng bronze medal, habang naka-silver naman siya sa World Championshipsnoong 2019.
Nakakuha naman siya ng ginto sa 2015, 2017, 2019, at 2022 editions ng Southeast Asian Games.
Sa nakaraang Olympics, nakasungkit ng bronze si Marcial, at muli siyang sasabak sa boksing sa 2024 Paris Olympics.
Pasok na rin sa Paris Olympics ang pole vaulter na si EJ Obiena at mga gymnast na sina Carlos Yulo at Aleah Finnegan.—FRJ, GMA Integrated News