Nagtamo ng minor burn ang isang turista matapos sumabog ang naka-charge na palyadong e-bike sa loob ng kuwarto ng tinutuluyan nilang hostel sa Sydney, Australia.
Sa video ng Fire and Rescue New South Wales, mapapanood ang pagkabigla ng mga turista sa biglaang pagsabog sa kanilang kuwarto.
Nagawa nilang makatakbo palayo bago pa lumabas ang apoy sa pinto ng kuwarto.
Nagkaroon ng apoy matapos pumalya ang e-bike na nagcha-charge noon, ayon sa Fire and Rescue New South Wales (FRNSW).
Bukod sa nasaktang turista, wala nang ibang nasaktan sa insidente matapos palikasin ang nasa 70 tao sa building.
Sinabi ng isang saksi na tinangka ng isang guest na apulahin ang apoy gamit ang nakuha niyang fire extinguisher.
Tumugon din ang ilang bumbero.
“We had everyone evacuated out of that property very quickly, which did help firefighters gain entry and control that fire very quickly,” sabi ni Grant Rice ng Fire and Rescue New South Wales.
Noon namang Hulyo, sumabog din ang isang e-scooter habang nagcha-charge kaya nasunog ang isang buong apartment unit sa Sydney.
Ilang minuto lamang ang inabot bago natupok ang unit at kumalat ang apoy sa mga katabi nitong apartment.
Sinabi ng FRNSW na ngayong 2023, 149 na insidenteng may kinalaman sa lithium-ion batteries ang naitala nila at narespondehan, kung saan 22% dito ay dahil sa e-bikes at e-scooters. —VBL, GMA Integrated News