Sa kulungan ang bagsak ng isang British national matapos siyang magsagawa ng mga kahina-hinalang transaksiyon sa isang ATM booth sa Ermita, Maynila. Ang suspek, nakuhaan pa ng halos 400 ATM cards na iba-iba ang pangalan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naaktuhan ng security guard ng bangko ang kahina-hinalang ginagawa ng suspek, kaya dinala na ito sa Manila Police District headquarters.
Nakita pa ng guwardiya ang British national na sinusubukang mag-withdraw gamit ang iba’t ibang ATM card.
At nang bilangin, napag-alamang 57 ang gagamitin sanang ATM card ng suspek.
Siniyasat ng mga awtoridad ang kaniyang bag sa presinto, kung saan halos 400 iba pang ATM ang nakuha.
Base sa imbestigasyon, Setyembre 27 nang mapansin ng bangkong nagmamay-ari ng ATM booth na nagkakaroon ng mga kahina-hinalang transaksiyon.
Muli itong naulit kaya nagpaimbestiga na sila sa security personnel ng bangko tungkol sa posibleng nasa likod ng mga transaksiyon, at naaktuhan ang suspek.
Hindi na iniharap sa media ang suspek, na dumepensang pagmamay-ari ng kaniyang mga kaibigan ang samu’t saring ATM card.
Nakakulong na sa Manila Police District ang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News