Sinabi ng drag artist na si Pura Luka Vega, o Amadeus Pagente na ikinagulat niya ang lumabas na arrest warrant laban sa kaniya na dahilan para arestuhin siya sa Maynila.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Pura na batid niyang may kasong isinampa laban sa kaniya pero hindi niya inaasahan ang paglabas ng warrant of arrest.
"I did not receive the subpoena. When we went there, sa ibang address po siya naibigay," ayon kay Pura na nakadetine ngayon sa police station.
BASAHIN: Pura Luka Vega sa pagdedeklara sa kaniyang persona non grata: 'What I did wrong?'
Ayon sa mga awtoridad, payapa namang sumama sa kanila si Pura nang isilbi nila ang arrest warrant.
"Para siguradong nandoon, nagpakilala muna bilang delivery riders. Noong nakita nila si Luka Vega, nagpakilala na silang pulis, binasahan naman siya ng rights niya, sinabi 'yung warrant of arrest against him," sabi ni Manila Police District Station 3 Chief P/Lt. Col. Leandro Gutierrez.
Nakadetine si Pura sa Manila Police District Station 3 sa Quiapo, Manila, at kailangan niyang maglagak ng P72,000 na piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.
Una rito, nagsampa ang Devotees of the Black Nazarene na Hijos del Nazareno ng reklamo laban kay Pura dahil sa paglabag umano niya sa Revised Penal Code Article 201, o Immoral doctrines, obscene publications and exhibitions, and indecent shows.
Nitong Hulyo, inireklamo rin si Pura ng mga lider ng Philippines for Jesus Movement sa Quezon City.
Sa nakaraang panayam, sinabi ni Pura na hindi niya layon na mambastos sa ginawa niyang pagtatanghal na pinatugtog ang "Ama Namin" sa remix version.
"I just want to create a narrative that despite all of these, Jesus, as the embodiment of God's love for all, does not forget about the oppressed, including the LGBTQIA+ community," saad niya.
Ilang lungsod at lalawigan ang nagdeklara kay Pura na persona non grata.
Kabilang ang Laguna, Nueva Ecija, General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, Toboso sa Negros Occidental, at maging sa City of Manila.—FRJ, GMA Integrated News