Arestado ang isang pulis na bumaril at nakapatay umano sa isang lalaki na kaniyang nakaalitan sa isang bar sa Novaliches, Quezon City. Ang biktima, nagpaalam lang daw sa pamilya na bibili ng gatas ng anak.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, makikita sa video ang ginawang paghatak ng dalawang lalaki sa isa lalaki na nasa loob ng jeepney dakong 4:30 ng umaga sa Qurino Highway nitong Martes.
Nang mahila ang lalaki palabas ng jeep, napahiga siya sa kalye at sinuntok bago siya tuluyang humandusay.
Kinilala ang lalaking biktima na humandusay sa kalye na si Chris Mel Serioso.
Isang oras matapos ang naturang insidente, isakay si Serioso sa isang police mobile.
Dinala siya sa ospital, ngunit idineklarang dead on arrival na napag-alaman na nagtamo pala ng tama ng bala ng baril sa katawan.
Nakunan din sa CCTV ang pagposas sa isa sa mga lalaking dawit sa komosyon na si Patrolman Edwin Simbiling, na siya umanong bumaril kay Serioso.
Nakatalaga si Simbiling sa Regional Mobile Force Battalion ng NCRPO, at nabawi sa kaniya ang baril na ginamit umano sa pagbaril sa biktima.
Ayon sa pahayag ng NCRPO, nag-umpisa ang komosyon sa isang bar kung saan umiinom si Simbiling kasama ang tatlong iba pa nang bigla umanong lumapit si Serioso.
Nagkaroon umano ng pagtatalo sina Simbiling at Serioso na nauwi sa pamamaril na nangyari sa labas ng bar.
Wala pang linaw sa ugat ng kanilang pagtatalo, at wala pang nagbibigay ng pahayag mula sa Quezon City Police District.
"An extensive investigation is currently being conducted to establish the facts of the case and bring justice to the victim. I will assure you that the involved policeman will be held accountable for his actions,” saad ni NCRPO Acting Regional Director Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez, Jr.
Nasa kustodiya na ng CIDU ng QCPD sa Camp Karingal ang suspek. Inihahanda na ang kasong homicide laban sa kaniya habang isasailalim sa autopsy ang labi ng biktima.
Hustisya ang panawagan ng pamilya ng biktima na mayroong anak na isang taong gulang pa lang.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News