Arestado ang isang “jumper boy” o lalaking umaakyat sa mga truck para magnakaw, matapos siyang mahuli-cam na nakikipag-agawan ng malaking lona sa isang driver ng truck at pahinante nito sa Tondo, Maynila. Ang ilan pang jumper boys, nahuli rin sa lugar.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkules, mapapanood ang insidente na nangyari noong Setyembre 27 sa Mel Lopez Boulevard sa Road 10.

Driver at pahinante ng nakahintong truck ang lalaking naka-asul at orange na t-shirt, na kinukuha ang lona sa kanilang truck mula sa jumper boy.

Ilang saglit pa, biglang kumuha ng mahabang pamalo ang jumper boy at hinampas ang pahinante. Pinalo rin nito ang driver, ngunit nahawakan ng driver ang pamalo at naagaw.

Narinig ang kumukuha ng video nang makita niyang may patalim ang jumper boy.

Nadakip kalaunan ng Raxabago Police ang jumper boy na kinilalang si Marvin Mangalindan, 23-anyos, na miyembro ng Sputnik Gang. Nahulihan din siya ng baril.

Hindi itinanggi ng suspek ang krimen.

“Humihingi po ako ng tawad sa driver ng truck tsaka sa pahinante niya. Humihingi po ako ng pasensya dahil nga po nasaktan ko rin sila,” sabi ng suspek.

Ginagawa na umano ng suspek ang modus mula pa noong 17-anyos pa lamang siya.

Limang beses na rin siyang nabilanggo dahil sa iba’t ibang kaso.

Mahaharap siya sa kasong alarm and scandal at illegal possession of firearms.

Samantala sa Tondo pa rin, nadakip ang ilan pang jumper boys nang galugarin ng mga pulis ang lugar.

Kasama sa mga nahuli ang isang menor de edad na nakunan ng video na nagnanakaw ng mga bakal sa isang umaandar na truck sa Road 10 pa rin.

Nakatakdang i-turnover sa MSWD ng Maynila ang menor de edad na suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News