Patay ang tatlong mangingisdang Pinoy matapos banggain ang kanilang bangka ng isang pinaniniwalaang dayuhang commercial vessel habang bumibiyahe sa karagatang sakop ng Scarborough Shoal, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Miyerkules.
Ayon sa PCG, ibinahagi ng isang crew ng FFB DEARYN na nangyari ang insidente bago magmadaling araw noong Lunes, Oktubre 2.
Nakadaong ang bangkang Pinoy sa layong 85 nautical miles hilagang-kanluran ng Scarborough Shoal, na tinatawag ding Bajo de Masinloc, nang mabangga ito ng hindi pa matukoy na commercial vessel.
Lumubog ang bangka na nagresulta sa pagkamatay ng 47-anyos na kapitan nito at dalawang tripulante, edad 38 at 62. Pawang mga taga-Zambales ang mga biktima.
Sa isang assessment report, sinabi ng PCG na isang oil tanker na nakarehistro sa Marshall Islands ang nakabangga sa bangka ng mga biktima.
Mananagot ang may sala
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na mananagot ang mga responsable sa insidente.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Marcos na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
"We are deeply saddened by the deaths of the three fishermen, including the captain of the fishing vessel. The incident is still under investigation to ascertain the details and circumstances surrounding the collision between the fishing boat and a still unidentified commercial vessel," saad niya.
"We assure the victims, their families, and everyone that we will exert every effort to hold accountable those who are responsible for this unfortunate maritime incident," dagdag pa ni Marcos.
Hinikayat naman niya ang publiko na hayaan ang Philippine Coast Guard na mag-imbestiga at iwasan ang mga espekulasyon.
"Rest assured that the government will provide support and assistance to the victims and their families," saad pa ni Marcos.
Imbestigasyon ng PCG
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na posibleng natutulog ang mga mangingisdang Pinoy nang maganap ang insidente.
"Malamang hindi nakita ito, tulog 'yung ibang crew members kaya hindi naka-survive," saad niya.
Sinabi ni Balilo na tutukuyin nila ang uri at sukat ng commercial vessel na bumangga sa bangka ng mga mangingisda, bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
"Titignan nating mabuti kung ano 'yung mga circumstances dito sa insidente, gaano kalaki 'yung barko, 'yung mga locals ba ay hindi nila nakita, at siyempre 'yung lagay din ng panahon para mag-contribute dun sa visibility nu’ng area," saad nito.
Nakahanda ang pagtulong
Ginamit ng 11 na nakaligtas ang walo nilang service boat para lisanin ang katubigan at ihatid ang mga nasawing biktima sa Barangay Cato sa Infanta, Pangasinan, sabi ng PCG sa isang spot report.
"They arrived around 10AM yesterday, 03 October 2023, and reported the incident to the nearest Coast Guard sub-station for necessary assistance," sabi ng PCG.
Sinabi ni Balilo na nagpadala na sila ng mga tauhan sa Infanta para kausapin ang mga nakaligtas sa insidente at ang mga pamilya ng mga nasawi para sa posibleng tulong.
“Nakahanda po tayong magbigay ng tulong sa pamilya,” ani Balilo.
Ang Scarborough Shoal ay isang hugis-U na mabatong outcrop na tinitirahan ng mga yamang dagat. Nakaposisyon ito 124 nautical miles mula sa pinakamalapit na landmass ng Palawan.
Sumiklab ang tensyon kamakailan sa paligid ng mga katubigan doon matapos ihayag ng Pilipinas na inalis nito ang floating barrier na 300 meters ang haba na inilagay ng China Coast Guard malapit sa Scarborough Shoal, isa sa pangunahing palaisdaan at isa sa pinag-aagawang maritime feature sa Asya.
Ang strategic shoal, na ipinangalan sa isang British cargo vessel na sumadsad dito noong ika-18 siglo, ay inangkin ng China noong 2012, at patuloy na pinanatili ang presensya ng mga coast guard at fishing trawler doon magmula noon.
Itinanggi ng China ang bersyon ng mga kaganapan ng Pilipinas tungkol sa barrier, habang sinuportahan ng Estados Unidos ang Pilipinas at nangakong tutuparin ang kasunduan na ipagtatanggol ang kaalyado nito kung atakihin.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News