Nilinaw umano ng guro na bagaman "dumapo" ang kamay niya sa mukha ng nasawing 14-anyos na grade 5 pupil, hindi naman daw ito malakas, ayon sa Antipolo police.
Sa panayam nitong Martes ng GTV "Balita Ko," sinabi ni Police Executive Master Sergeant Divina Rafael, hepe ng Antipolo City Police Women's and Children's Desk, na nakausap niya ang inaakusahang guro na nanampal sa biktimang si Francis Jay Gumikib.
Pumanaw nitong Lunes si Francis sa ospital, 11 araw matapos siyang isugod doon makaraang dumaing ng pagkahilo.
Ayon sa ospital, nagkaroon ng pagdurugo sa utak ng biktima.
Hinihinala ng pamilya na may kaugnayan ito sa ginawang pagsampal umano ng guro kay Francis na nangyari noong September 20.
Dinala sa ospital ang bata noong September 26, at kinalaunan ay binawian ng buhay.
Ayon kay Rafael, nagtungo siya sa eskuwelahan nitong Lunes, at nasa kustodiya umano ng principal ang guro kung saan nakausap niya ito.
"Paliwanag po niya although yung kamay niya ay dumapo sa mukha ng bata, ang sabi niya po hindi naman daw po malakas yung pangyayari," kuwento ni Rafael.
Sinabi ng opisyal na hihintayin nila ang opisyal na resulta sa isasagawang awtopsiya sa bangkay ng biktima upang malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito.
Posible umanong maharap ang guro sa reklamong homicide at paglabag sa Republic Act 7610, o Anti-child abuse law.
Ayon kay Rafael, desidido ang mga magulang ng biktima na magsampa ng reklamo laban sa guro.
Sa hiwalay na ulat ng Super Radyo dzBB, sinabi naman umano ng principal ng paaralan na itinanggi rin ng guro na sinampal niya ang biktima at sa halip ay "tinapik" lang umano nito ang pisngi ng bata.
Bumuo naman ng fact-finding investigation team ang Department of Education- Antipolo, para alamin ang pangyayari.
Sa isang pahayag, nagpa-abot ng pakikiramay ang DepEd- Antipolo sa nauling pamilya ni Francis na grade 5 student mula sa Peñafrancia Elementary School.
“As the Disciplining Authority, the Office of the Regional Director has issued an Order designating a Fact-Finding Investigation Team and directing the committee to conduct immediate, cautious, and comprehensive fact-finding investigation in recognition of the right of both parties to be heard as part of due process,” ayon sa inilabas nitong pahayag.
“We are saddened by the death of our dear learner and we express our deepest condolences and prayers to the bereaved family. Rest assured that the Department recognizes the best interests of our learners as primordial consideration,” dagdag nito. --FRJ, GMA Integrated News