Ilang residente ng Isla Puting Bato ang inilikas at pansamantalang naninirahan sa evacuation center makaraang mawasak ang kanilang mga bahay dahil hampas ng malalakas na alon sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita ang ilang residente na isinasalba ang mapapakinabangang gamit mula sa nawasak nilang mga bahay.
Nasa 12 bahay umano ang magkakadikit na dating nakatayo sa naturang bahagi ng Isla Puting Bato.
Ayon sa mga residente, nasa 15 taon na silang nakatira sa lugar pero ngayon lang nagiba ang kanilang mga bahay kahit ilang bagyo na ang dumaan.
Pero posible umano na bumigay na ang kanilang mga bahay dahil na rin sa kalumaan at hindi na kinaya ang hampas ng mga alon.
Sa kabutihang palad, walang residenteng nasaktan sa insidente. Pero problema nila kung paano silang muling mag-uumpisa at makapagtatayo ng bahay.
Kasalukuyang nasa Delpan Evacuation Center ang mga residenteng inanod ang mga bahay hangga’t wala pang mapaglilipatan sa kanila. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News