Kapuwa bumaba ang approval at trust ratings nina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte, batay sa isinagawang survey ng Pulse Asia para sa ikatlong bahagi ng 2023.
Sa inilabas na datos ng Pulse Asia, nakasaad ng nakakuha si Marcos ng 65% na approval rating noong Setyembre, mas mababa sa 80% noong June.
Samantala, mayroon namang 73% na approval rating si Duterte noong September, mas mababa rin sa 84% rating niya noong June.
"Although the President and the Vice-President continue to enjoy majority approval scores at the national level and across geographic areas and socio-economic classes, both experience significant erosions in their respective approval ratings during the period June 2023 to September 2023," ayon sa Pulse Asia.
Ayon sa Pulse Asia, sa pangkalahatan ng bansa, -15 percentage points ang nabawas sa approval rating ni Marcos, -14 to -15 percentage points sa bawat lugar, at 12 to -29 percentage points sa bawat economic class.
Kay Duterte, inihayag ng Pulse Asia na -11 percentage points ang ibinaba umano nito sa national level, habang nabawasan siya ng -12 percentage points sa Metro Manila, at -13 percentage points sa rest of Luzon. Sa economic class, -18 percentage points ang nabawas sa kaniya sa Class ABC, at -11 percentage points sa Class D.
Samantala, mayroon namang 50% approval rating si Senate President Juan Miguel Zubiri; 41% kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez; at 34% si Chief Justice Alexander Gesmundo.
Trust ratings
Sa nasabi ring survey ng Pulse Asia, bumaba rin ang trust ratings nina Marcos at Duterte.
Mula sa 85% trust rating noong June ni Marcos, bumaba sa 71% noong September. Samantalang si Duterte, mayroong 75% nitong Setyembre mula sa 87% noong June.
Samantala, nakakuha naman ng 49% trust ratings si Zubiri; 38% si Romualdez; at 33% Gesmundo.
Ginawa umano ang survey mula September 10 to 14, at may 1,200 respondents at ± 2.8 percent error margin.-- FRJ, GMA Integrated News