Arestado ang magpinsang grade 11 student matapos umanong mang-holdap sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Naghihintay lang daw noon ng masasakyan ang babaeng biktima sa Barangay Bagong Pag-asa nang lapitan siya at tutukan ng patalim ng apat na suspek.

Nakuha ng mga salarin ang cellphone ng biktima.

Agad na nakahingi ng tulong sa pulis sa lugar ang biktima, dahilan para masakote ang dalawang suspek na parehong 18 anyos.

Nabawi sa dalawa ang ginamit nilang patalim pero hindi ang cellphone ng biktima.

Ayon sa isang suspek, nagawa lang niya ang krimen dahil may sakit ang kaniyang magulang. Ayon naman sa isa, napasama lang siya sa pangho-holdap dahil may karamdaman din ang magulang niya.

Nahaharap sa reklamong robbery ang magpinsan habang patuloy naman paghahanap sa dalawa pa nilang kasama. —KBK, GMA Integrated News