Naglabas ng show-cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari ng SUV na nasangkot sa bagong insidente ng road rage sa Imus, Cavite. Ang pagkakakilanlan ng lalaking driver, inaalam na rin.
Sa inilabas na pahayag ng LTO nitong Martes, lumitaw na nakapangalan sa isang babae na nakabase sa Rizal ang Honda CRV na nakita sa video na nag-viral sa social media.
Gayunman, isang lalaki ang nagmamaneho ng sasakyan nang mangyari ang nasabing insidente.
Inilabas ng LTO Region 4A nitong Lunes ang SCO laban sa babaeng nakapangalan ang sasakyan para pagpaliwanagin kung bakit hindi siya ang dapat parusahan sa ginawang asal ng lalaking nakitang nagmamaneho ng SUV.
Sa video, napansin na pagewang-gewang ang takbo ng SUV na tila ayaw palusutin ang sasakyan na nakasunod sa kaniya.
Hanggang sa tumigil ang SUV at bumaba ang driver na lalaki at kinompronta ang mga nakasakay sa sasakyang nakasunod sa kaniya na nagsabing may kasama silang bata.
Ayon sa pahayag ng LTO, tila nakainom ang driver ng SUV.
“Gusto nating malaman kung ang sasakyan ba ay nabenta na o pinahiram. Sa pamamagitan nito, malalaman natin ang identity ng taong ito,” ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza.
“Mabilis ang aksyon natin dito sa pamamagitan ng ating LTO-Region IV A sa pamumuno ni RD Asuncion. Makakatiyak ang ating mga kababayan ng agarang aksyon ng LTO tungkol dito,” dagdag niya.
Iimbestigahan ang naturang driver kaugnay sa posibleng paglabag niya sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code for Reckless Driving.
Inaalam din ng LTO ang pagkakakilanlan ng driver ng SUV. -- FRJ, GMA Integrated News