Inaresto ng mg tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki sa loob ng isang hotel matapos siyang ireklamo ng panggagahasa ng dati niyang kasintahan.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Daniel Macarian, na hindi na nakapalag nang sugurin ng mga operatiba ng Anti-Organized and Transnational Crime Division ng NBI.
Dinakip ang suspek sa loob ng kuwarto ng isang hotel. Nakuha umano sa kaniya ang hinihinalang shabu, marijuana at dalawang replica ng baril na ginamit umanong panakot sa biktima.
Ayon sa biktima, ilang buwan silang nagkaroon ng relasyon ng suspek at nakaranas siya ng pananakit. Nang mangyari ang krimen, hinampas umano siya ng helmet at ginahasa.
“Sinuntok siya sa mukha at siya ay nawalan ng malay at dito na siya sinimulan na abusuhin,” sabi ni NBI-AOTCD Chief Atty. Jerome Bomediano.
Nang komprontahin ng biktima ang suspek, iginiit ng lalaki na nagawa lang niya ang lahat dahil sa pagmamahal niya sa babae.
Mahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek kabilang ang rape, paglabag sa Violence Against Women and Children Act, at Dangerous Drugs Act.-- FRJ, GMA Integrated News